Wednesday, August 31, 2011

Sino nga ba ang kliyente natin?

Madali ang sagot.


Magsasaka at mangingisda. Importante ang sagot na ito kung nais nating maintindihan ang kahalagahan ng propesyon natin. Sino nga ba ang mga magsasaka at mangingisda sa lipunang Pilipino? Ano ang kasalukuyang estado ng pamumuhay ng mga ito? Ang mga kasagutan sa mga tanong na iyan ay ang sagot kung asan at ano din ang estado ng propesyon natin.

Ito rin ang kasagutan kung bakit nanlulumo tayo at bakit ang ibang agricultural engineer sa ibang bansa ay malago kumpara sa ibang propesyon. Noong ako napagawi sa Estados Unidos laki ang gulat ko na ang mga agricultural engineer ay isa sa mga may malaki ang sahod. Kahit sa Europa, ang isang agricultural engineer ay kilalang kilala. Ngunit bakit nga ba di tayo kilala dito sa Pinas?

Ang sagot ay isang tanong: Sino nga ba ang kliyente natin? Sa US, ang mga mayayaman na tao ay yaong tinaguriang mga "magsasaka". Dito sa Pilipinas, ang mga magsasaka ay malimit naghihikahos. Isa din yan sa rason kung bakit andito tayo sa sitwasyon ito.

Ang hamon sa atin ngayon ay papaano natin matutulungan ang mga magsasaka para mapalago nila ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng ating tulong. Kung yayaman ang mga magsasaka, iyan rin ang pagkakataong sisikat tayo. Malaki ang aking paniniwala na sa pamamagitan ng simpleng pagtulong sa mga magsasaka ay lalago sila. Nasubukan ko na yan nang napagawi ako sa Isabela. Naipamahagi ko ang kaalaman ukol sa soil and water management, agrometeorology, nutrient management. Mas naintindihan nila ang kanilang sakahan sa simpleng talakayan sa tabi-tabi. Ang tawag nila sa akin ay enhinyero ng lupa at lahat ng pakasiyaatan ti kuman. Lahat ng ito'y libre.  

Dito natin kailangan ang ibayong pagtutulungan para makilala ang AE. Mga simpleng payo lang sa mga magsasaka at huwag mahiyang sabihin na ikaw ay AE. Mas mainam pa nga kung magkumpol tayo sa mga sektor sa bawat probinsiya at gagawa ng mga caravan na libreng payo sa mga magsasaka.

Huwag muna natin isipin ang kikitain. Sabi ko nga, pag yayaman ang mga magsasaka, tayo rin.

Tuesday, August 30, 2011

agricultural or an engineering discipline?

Ayon sa RA 8559, "the practice of agricultural engineering shall refer to the profession requiring the application of the fundamental and known principles of engineering to the peculiar condition and requirements of agriculture as an industry and as a field of science"

Ang ating pagkalito sa ating pagka-inhenyero ay nagsisimula sa eskwela. Ano ba ang agricultural engineering? Isang engineering discipline o isang agricultural discipline? Hindi malinaw sa simula pa lang kung asan tayo lulugar. Kung basehan natin ang tala ng CHED, napapabilang ang AE sa Technical Panel for Agriculture Education kabilang ang veterinarian, forestry, agriculture at fisheries.  Wala naman tayo sa listahan ng Technical Panel of Engineering Education and Architecture.Kung pagbabasehan ito, ang AE ay napabilang sa Agricultural Sciences.

Ngunit marami pa rin ang nagsasabi na tayo ay isang lehitimong engineering discipline kapantay ng ibang traditional na engineering discipline (e,g. civil, electrical, mechanical). Marami sa atin ang naniniwala sa linyang ito: Tayo ay mga engineer at hindi agriculturalist. Oo naman, Engineer nga ang tawag sa atin.

Ngunit kung balikan natin ang mga eskwela. Kukunti lang ang agricultural engineering na napabilang sa isang College of Engineering. Malimit ang BSAE ay napabilang sa isang College of Agriculture. At kung ang isang BSAE ay nasa ilalim ng isang College Engineering, malamang ang pamantasan na ito ay merong agriculture na kurso. Samakatuwid, walang AE kung walang agriculture. Ehemplo nito ang UPLB at UP Diliman.

Sa mamamayang Filipino, hindi nila maihiwalay ang isang agriculturist sa agricultural engineer. At kung igiit natin na tayo ay enhinyero, at matanong kung "ano ang agricultural engineer?" Nahihirapan tayong ipaliwanag sa haba ng litanya na sambitin. Kahit sa ibang engineer, di nila alam ang agricultural engineer maliban na lang kung gradweyt sila sa isang state university na may BSAE.

Sa larangan naman ng trabaho, halos walang kaibahan ang nakukuhang trabaho ng agriculturist at agricultural engineer. Nag-aral pa tayo ng 5 years!

Sa totoo lang kulang tayo ng pagpapakilala sa mga kasamahan natin sa larangang agrikultura (vet, forester, fisheries). Pilit nating sinisiksik ang ating mga sarili sa bandera ng engineering at ini-snub natin ang agriculture. Hanggang ang mga agriculturist ay hindi na tayo kilala. Pero kung mag-apply tayo ng trabaho,  ang Department of Agriculture ang unang pinupunterya!

Sa tingin ko mas mainam na mas bigyan nating pansin ang pag-collaborate sa mga agriculturist, foresters, vets, fishery technologist. Upang sa pakikipag-unayan natin sa kanila, ay mahasa natin ang ating mga sarili sa tunay na problema ng agrikultura. Kusang-loob tayong makikipagtalastasan sa kanila. Upang sa pamamagitan nito, may mas alam na rin sila sa kakayahan natin. Sa bandang huli naman, sila ang kasama natin sa trabaho (baka boss pa!).

Sa paghahabol natin sa buntot ng ibang mga engineer, sa paghahabol na magiging kapantay natin sila, sa pagsusumikap na higitan natin sila, nakalimutan na natin at tayo naman ng mga tagapangasiwa ng industriyang agrikultura. Minsan nga, ibang engineer ang kinukuha nila kasi di na nila tayo kilala.

Monday, August 29, 2011

panahon na

Panahon na sigurong magmuni-muni tayo sa kalalagayan ng ating propesyon. Marami ang may agam-agam sa kahahantungan ng ating mga sarili. May trabaho ba sa huli? Dapat harapin na natin ang katotohonan. May butas ang konseptong "inhenyero agrikultural" sa Pilipinas. Pinipilit nating ipatupad ang ating batas ngunit sa sitwasyon sa ating bansa hindi ito akma. Dapat siguro tingnan natin ang mga proyektong di kayang gawin ng ibang inhinyero at yun ang ating linangin at pasikatin. Mahirap makipagsabayan sa mga aspetong alam nating kaya ding gawin ng iba o di kaya mahigpit ang kompetisyon.